Tiis, Hinagpis, at Walang Hanggang Peace (Sana)
Kung tatanungin ako kung ano nga
ba talaga ang sikreto para makapasa sa board exam ng psychometrician, baka
matulala ako at mapasagot ng, “World peace! Thank you!” Sa totoo lang, walang
sikreto. Iba-iba tayo ng paraan kung paano mag-aral. Iba-iba rin tayo ng mga
hilig na asignatura. Sa mga ibabahagi kong mga tips, na gumana sa akin, sana ay nguyain ninyo itong mabuti. Bago
ito lunukin, isipin ninyong mabuti, “angkop ba ito para sa akin?” May mga tips na maaaring kailangan ninyong
baguhin ng kaunti o hindi lunukin ng buong-buo depende sa pagkakakilala ninyo
sa inyong sarili.
May isa muna akong bagay na
ipagtatapat. Kahit na ako ang nakakamit ng pinakamataas na marka sa nakaraang
board exam (July 2015), aaminin ko na hindi naging madali ang aking
paglalakbay. Naiisip kasi ng iba na “natural na matalino yan.” Aaminin ko na nung
nasa hayskul pa ako, nag-summer class ako dahil sa sobrang baba ng marka ko sa
Algebra. Hindi rin ako naging bahagi ng “cream of the crop” section. Hindi rin
ako umabot sa top ng klase. Madalas pa ngang ipatawag ang magulang ko sa mga parent-teacher conference dahil sa mga
grado ko. Ngunit, sa magulong panahon na iyon ay nahanap ko ang isang agham na
mamahalin ko, ang sikolohiya.
Tiis. Iba ang istorya ng buhay ko sa inyo. Pero naniniwala ako na
ang bawat kukuha ng isang board exam ay dapat tanungin sa sarili nila, “Ano nga
ba ang hugot ko? Bakit ba ako kukuha ng board exam?” Ang sagot sa tanong na ito
ang hahawakan ninyo hanggang sa dulo ng inyong paglalakbay. Sa mga panahong
tinatamad kayo at nagfifacebook, sa mga panahong nagliliwaliw kayo sa beach,
ang kasagutan ninyo sa tanong na ito ang magtutulak sa inyo upang magsipag.
Ngayon na alam mo na ang dahilan
kung bakit mo gustong maging registered psychometrician, planuhin mo na ang mga
natitirang araw bago ang boards para makamit mo ang hangarin mo. Alamin mo ang
kahinaan mo na asignatura at maglaan ng sapat na araw upang aralin iyon.
Maglaan din ng sapat na oras upang makapagpahinga. Hindi ka robot, isa kang
tao. Kumain ng mabuti at matulog ng maayos.
Kapag meron ka nang plano sa
bawat araw ng aaralin mo, ayusin mo ang iyong learning environment. Siguraduhing wala ito sa lugar kung saan ikaw
ay mawawalan ng konsentrasyon. Maghanap ng paraan kung paano makokontrol ang
sarili na hindi mag-online at
mag-ikot sa internet. Naaalala ko na
pinatago ko pa ang aking phone at laptop sa kapatid ko dahil kahinaan ko
ang social networks.
Ang susunod ko na tip ay mag-aral
kayo sa paraan na sa tingin ninyo ay angkop sa inyo. Kung gusto mong iguhit ang
conceptual framework o Venn diagram ng mga konsepto, go! Kung
gusto mong nanunuod ng online video tutorials, go! Kung gusto mong mag-aral sa
coffee shop kasi gusto mo yung may kaunting ingay, go! Marami kasing nagsasabi
na ang pinakamabuting paraan para matuto ay ang pagpunta sa silid-aklatan. Dapat
daw magpakakulong doon simula 8 ng umaga hanggang 5 ng gabi. Hindi! May mga
tao, katulad ko, na kailangan ng kaunting ingay. Kung wala akong kapangyarihan
ng kape, aantukin lang ako sa sobrang tahimik na lugar.
Ang isa pang kadalasang iniisip
ng mga tao ay ang classical music ay sikreto sa mabuting marka. Tandaan na
hindi angkop para sa lahat ang classical music. Para sa akin, nakikinig ako sa
acoustic guitar pag umaga. Pagdating ng tanghali, kung saan biglang dumarating
ang kampon ng antok, nakikinig ako sa mga kantang nakakagising. Marami rin
akong napakinggan na mga music artist tulad ni Miley Cyrus, Britney Spears,
Destiny’s Child, Zedd, at iba pa. Wag mong ipilit sa iyong sarili ang isang
bagay na alam mong hindi gagana. Lahat tayo ay may individual differences!
Sa pag-aaral para sa boards,
huwag makuntento sa basa lang. Sanayin ang sarili na magsagot ng mga practice
tests na makukuha ninyo sa inyong review center o mga propesor. Ito ang
pinakamalaki ang naitulong sa akin. Nasanay akong sumakit ang batok ko, nalaman
ko ang mga kahinaan ko, at natuto akong sumagot ng mabilis. Kung wala kayong
mahanap na practice test at hindi kayo makakapag-enroll sa isang review center,
mayroong makikitang link para sa mga companion websites ng mga libro ninyo.
Lagi din ninyong iisipin na ang laban
sa board exam ay hindi puro utak, may puso din. Kung alam mo ang lahat ng
konsepto ngunit wala kang lakas ng loob dahil sa kaba o di kaya sa kakulangan
ng suporta, maaapektuhan nito ang iyong pagsasagot. Huwag kakalimutan ang mga
taong pwede mong kapitan sa panahon ng pagdududa sa sarili. Maaaring kapitan
ang Diyos (depende sa iyong relihiyon), ang inyong pamilya, ang inyong mga
kaibigan, at kahit ang simpleng kape.
Hinagpis. Hindi natatapos sa mismong araw ng board exam ang iyong
paghahanda. Para sa akin, mainam na iwasan ang last minute na pagbabasa. Sa
akin kasi ay nakakadulot ito ng dagdag lang na pressure at stress. Ang
importante sa akin ay nag-aral na ako at sinunod ko ang mga pinlano kong aralin
sa bawat araw at bahala na sa board exam.
Tandaan din na ang board exam ay
hindi isang karera. Gamitin ng wasto ang iyong oras! Huwag tamarin na i-review
ang iyong mga sagot. Huwag din bilisan ang pagsagot para lang magmayabang na
ikaw ang pinakanaunang natapos. Iwasan na itrato ang testing room na parang
stage at ikaw ang kokoronahan na Miss Universe. Hindi interesado ang PRC sa
iyong posture at beauty.
Pinakanakatulong sa akin sa
mismong araw ng board exam ay ang pag-iwas sa mga taong nagtatanong na, “Ano
yung sagot mo sa number___”, o di kaya “Marami ka bang D?” Hindi natin
masisigurado sa araw na iyon kung ano nga ba talaga ang tamang sagot. PRC lang
ang nakakaalam. Magpahinga na lang pagkatapos ng bawat exam at ihanda ang
sarili para sa susunod na asignatura.
Walang Hanggang Peace (Sana). May mga tao na maaaring hindi
magkaroon ng peace kahit pumasa sa boards, depende sa kung ano ang hangarin
niya. Posible din na magkaroon ng peace kahit hindi pumasa, marahil siguro ito
ang sign na hinihingi niya. Ano pa man ang inyong desisyon sa buhay at ang
maging resulta ng inyong exam, nais ko lang na sana makuha ninyo sa inyong
paglalakbay ang walang hanggang peace. Saan mang direksyon tayo mapunta ng
ating interes, umaasa ako na sama-sama tayong maglilingkod para sa bayan!