Saturday, April 9, 2016

Intensive Review Classes for Psychologists


Join our group as we start with our intensive review classes for aspiring psychologists. Send us a message if interested. Guaranteed small class size, and comprehensive coverage of review subjects!
Kay tungod ginpamati-an kamo, bukas na ang ikaduha nga seksyon sa review. Ini santo sa kagustuhan nga mapatigayon ang excellente nga review sa magamay nga grupo. ‪#‎psychologieexzellenz‬ ‪#‎psychologieexzellenziloilo‬‪#‎psychiloilo‬

Thursday, March 24, 2016

Holy Week 2016

The center will be closed until March 28, 2016 in observance of the HOLY WEEK.
Wishing the Catholic Community a meaningful one.


Monday, March 14, 2016

What does it take to be #1? Tips straight from the TOP 1 (Mr. Van Faeldon)

Tiis, Hinagpis, at Walang Hanggang Peace (Sana)
Kung tatanungin ako kung ano nga ba talaga ang sikreto para makapasa sa board exam ng psychometrician, baka matulala ako at mapasagot ng, “World peace! Thank you!” Sa totoo lang, walang sikreto. Iba-iba tayo ng paraan kung paano mag-aral. Iba-iba rin tayo ng mga hilig na asignatura. Sa mga ibabahagi kong mga tips, na gumana sa akin, sana ay nguyain ninyo itong mabuti. Bago ito lunukin, isipin ninyong mabuti, “angkop ba ito para sa akin?” May mga tips na maaaring kailangan ninyong baguhin ng kaunti o hindi lunukin ng buong-buo depende sa pagkakakilala ninyo sa inyong sarili.
May isa muna akong bagay na ipagtatapat. Kahit na ako ang nakakamit ng pinakamataas na marka sa nakaraang board exam (July 2015), aaminin ko na hindi naging madali ang aking paglalakbay. Naiisip kasi ng iba na “natural na matalino yan.” Aaminin ko na nung nasa hayskul pa ako, nag-summer class ako dahil sa sobrang baba ng marka ko sa Algebra. Hindi rin ako naging bahagi ng “cream of the crop” section. Hindi rin ako umabot sa top ng klase. Madalas pa ngang ipatawag ang magulang ko sa mga parent-teacher conference dahil sa mga grado ko. Ngunit, sa magulong panahon na iyon ay nahanap ko ang isang agham na mamahalin ko, ang sikolohiya.
Tiis. Iba ang istorya ng buhay ko sa inyo. Pero naniniwala ako na ang bawat kukuha ng isang board exam ay dapat tanungin sa sarili nila, “Ano nga ba ang hugot ko? Bakit ba ako kukuha ng board exam?” Ang sagot sa tanong na ito ang hahawakan ninyo hanggang sa dulo ng inyong paglalakbay. Sa mga panahong tinatamad kayo at nagfifacebook, sa mga panahong nagliliwaliw kayo sa beach, ang kasagutan ninyo sa tanong na ito ang magtutulak sa inyo upang magsipag.
Ngayon na alam mo na ang dahilan kung bakit mo gustong maging registered psychometrician, planuhin mo na ang mga natitirang araw bago ang boards para makamit mo ang hangarin mo. Alamin mo ang kahinaan mo na asignatura at maglaan ng sapat na araw upang aralin iyon. Maglaan din ng sapat na oras upang makapagpahinga. Hindi ka robot, isa kang tao. Kumain ng mabuti at matulog ng maayos.
Kapag meron ka nang plano sa bawat araw ng aaralin mo, ayusin mo ang iyong learning environment. Siguraduhing wala ito sa lugar kung saan ikaw ay mawawalan ng konsentrasyon. Maghanap ng paraan kung paano makokontrol ang sarili na hindi mag-online at mag-ikot sa internet. Naaalala ko na pinatago ko pa ang aking phone at laptop sa kapatid ko dahil kahinaan ko ang social networks.
Ang susunod ko na tip ay mag-aral kayo sa paraan na sa tingin ninyo ay angkop sa inyo. Kung gusto mong iguhit ang conceptual framework o Venn diagram ng mga konsepto, go! Kung gusto mong nanunuod ng online video tutorials, go! Kung gusto mong mag-aral sa coffee shop kasi gusto mo yung may kaunting ingay, go! Marami kasing nagsasabi na ang pinakamabuting paraan para matuto ay ang pagpunta sa silid-aklatan. Dapat daw magpakakulong doon simula 8 ng umaga hanggang 5 ng gabi. Hindi! May mga tao, katulad ko, na kailangan ng kaunting ingay. Kung wala akong kapangyarihan ng kape, aantukin lang ako sa sobrang tahimik na lugar.
Ang isa pang kadalasang iniisip ng mga tao ay ang classical music ay sikreto sa mabuting marka. Tandaan na hindi angkop para sa lahat ang classical music. Para sa akin, nakikinig ako sa acoustic guitar pag umaga. Pagdating ng tanghali, kung saan biglang dumarating ang kampon ng antok, nakikinig ako sa mga kantang nakakagising. Marami rin akong napakinggan na mga music artist tulad ni Miley Cyrus, Britney Spears, Destiny’s Child, Zedd, at iba pa. Wag mong ipilit sa iyong sarili ang isang bagay na alam mong hindi gagana. Lahat tayo ay may individual differences!
Sa pag-aaral para sa boards, huwag makuntento sa basa lang. Sanayin ang sarili na magsagot ng mga practice tests na makukuha ninyo sa inyong review center o mga propesor. Ito ang pinakamalaki ang naitulong sa akin. Nasanay akong sumakit ang batok ko, nalaman ko ang mga kahinaan ko, at natuto akong sumagot ng mabilis. Kung wala kayong mahanap na practice test at hindi kayo makakapag-enroll sa isang review center, mayroong makikitang link para sa mga companion websites ng mga libro ninyo.
Lagi din ninyong iisipin na ang laban sa board exam ay hindi puro utak, may puso din. Kung alam mo ang lahat ng konsepto ngunit wala kang lakas ng loob dahil sa kaba o di kaya sa kakulangan ng suporta, maaapektuhan nito ang iyong pagsasagot. Huwag kakalimutan ang mga taong pwede mong kapitan sa panahon ng pagdududa sa sarili. Maaaring kapitan ang Diyos (depende sa iyong relihiyon), ang inyong pamilya, ang inyong mga kaibigan, at kahit ang simpleng kape.
Hinagpis. Hindi natatapos sa mismong araw ng board exam ang iyong paghahanda. Para sa akin, mainam na iwasan ang last minute na pagbabasa. Sa akin kasi ay nakakadulot ito ng dagdag lang na pressure at stress. Ang importante sa akin ay nag-aral na ako at sinunod ko ang mga pinlano kong aralin sa bawat araw at bahala na sa board exam.
Tandaan din na ang board exam ay hindi isang karera. Gamitin ng wasto ang iyong oras! Huwag tamarin na i-review ang iyong mga sagot. Huwag din bilisan ang pagsagot para lang magmayabang na ikaw ang pinakanaunang natapos. Iwasan na itrato ang testing room na parang stage at ikaw ang kokoronahan na Miss Universe. Hindi interesado ang PRC sa iyong posture at beauty.
Pinakanakatulong sa akin sa mismong araw ng board exam ay ang pag-iwas sa mga taong nagtatanong na, “Ano yung sagot mo sa number___”, o di kaya “Marami ka bang D?” Hindi natin masisigurado sa araw na iyon kung ano nga ba talaga ang tamang sagot. PRC lang ang nakakaalam. Magpahinga na lang pagkatapos ng bawat exam at ihanda ang sarili para sa susunod na asignatura.

Walang Hanggang Peace (Sana). May mga tao na maaaring hindi magkaroon ng peace kahit pumasa sa boards, depende sa kung ano ang hangarin niya. Posible din na magkaroon ng peace kahit hindi pumasa, marahil siguro ito ang sign na hinihingi niya. Ano pa man ang inyong desisyon sa buhay at ang maging resulta ng inyong exam, nais ko lang na sana makuha ninyo sa inyong paglalakbay ang walang hanggang peace. Saan mang direksyon tayo mapunta ng ating interes, umaasa ako na sama-sama tayong maglilingkod para sa bayan!